isa-isang dumampi ang mga daliri ko sa tilado ng piano. sa bawat pindot, magkakaibang tunog ang nalilikha nito. sumasabay sa bawat tunog ang bawat pintig ng puso ko. hindi ko maintindihan. bakit may tiklado ang piano? at bakit meron pa rin akong nararamdaman?
sinusubukan kong tugtugin ang piyesa na nasa harapan ko. nahihirapan ako. mas madali palang manood kaysa tumugtog. parang sa pag-ibig. pero iba ang piano sa pag-ibig at iba ang tunog sa damdamin.
gusto kong sirain yung piano. pero wala rin namang silbi kung gagawin ko yon. hindi rin naman kasi maiibsan ang mga nararamdaman ko ngayon kung makakakita ako ng sirang piano.
biglang humilab ang dibdib ko. hindi ko alam kung bakit. para bang may halimaw na iniikot-ikot ang lahat ng laman-loob ko.naghahalo-halong emosyon. pero sigurado ako, nangingibabaw ang sakit. matagal-tagal ko na ring iniinda itong mga bagay na to. nagbabakasakali kasi ako na baka isang araw, mawawala rin ang lahat ng ito sabay sa huling pindot ko ng tilado at babalik ako sa buhay ko na parang hindi kami pinagtagpo.
sinuntok ko ang piano. hindi ako nakaramdam ng kahit na anong kirot sa kamao ko. inulit ko. sinuntok kong muli ang piano. wala na naman akong naramdaman. inulit-ulit ko pa. suntok lang ng suntok. hindi ko napansin, nagdudugo na pala ang kamao ko. napaiyak ako. pero hindi ako umiyak dahil nasaktan ako sa bawat suntok. umiyak ako dahil hanggang ngayon, hindi ako makaalis sa putik na kinasasadlakan ko. nasasaktan ako kahit hindi na naman na dapat.
sa susunod, violin na lang siguro ang tutugtugin ko..
No comments:
Post a Comment